Wednesday, January 9, 2013

Lola Rosa!








Dear Lola,

             Una sa lahat, hindi ako gagamit ng malalalim na salitang Ingles dahil ikaw ang kausap ko ngayon. Patawad kung hindi kita masyadong napuntahan nung ikaw ay buhay pa. Hindi kita nakasama ng matagal sa simpleng kadahilanan na ako'y malaki na at may responsibilidad na dapat kong harapin. Meron akong mas dapat unahin, ngunit ano ba ang dapat kong unahin? Gustong-gusto kong magtanong sayo dahil ikaw ang tipo ng taong walang halong kaplastikan ang salita. Tunay ngang nasa huli ang pagsisisi dahil hindi ka na makakasagot ngayon.


              Sino ka ba talaga? Yun ang pilit kong gustong alamin? Ikaw ba yung mapusok na babae na nakipagtanan kay lolo sa pag-aakalang kano siya? Ikaw ba yung striktang nanay na matinding mag-disiplina ng anak? Hindi ko talaga alam.

             Aaminin ko sayo lola na isa kang misteryo sa akin noon ngunit ang kailangan ko lang pala ay ang pumunta sa burol mo. Ang kailangan ko lang pala ay tignan ang mga taong nasa paligid mo. Hindi ka perpekto gaya ko at lahat ng tao. Sa aking pagmamasid ang nakita ko sayo ay ang buhay ng isang ina. Maaring latay na nagawa mo ang naalala ng iba mong anak ngunit alam kong alam nila na ang bawat latay na yun ay ang naghubog na kanila para maging matatag at matutong lumaban sa buhay kahit gaano man katindi ang pagsubok. Ito ang nagsilbing hulmahan nila para maging matapang. Salamat lola at kahit saglit ipinakita mo sa akin na sa buhay ng tao kailangan mo palang makatikim ng latay para maging matapang. Salamat lola dahil ngayon andito ako.

No comments:

Post a Comment